-- Advertisements --

Ilang katabing bansa ng India sa South Asia ang nakakakita na rin ng pagtaas sa kaso ng coronavirus disease dahilan upang magpatupad ang mga ito ng border closure at travel ban.

Kasabay ito nang nararanasang bagong pagsubok ng India dahil sa ikalawang wave ng nakamamatay na virus sa nasabing bansa.

Sa loob kasi ng tatlong araw ay pumapalo na ng halos isang milyong bagong coronavirus cases sa India, habang ang death toll naman ay lumalagpas na rin ng mahigit 3,000.

Dahil dito ay naghihingalo na ngayon ang healthcare system ng nasabing bansa. Punuan na ang karamihan ng mga ospital, may mga pasyente rin na sa kanilang bahay o sa loob na ng ambulansya binabawian ng buhay.

Kulang na rin ang oxygen suplay ng mga ospital sa India kung kaya’t nakikiusap ang mga ito sa pamilya ng kanilang mga pasyente na magdala na lang ng sarili nilang oxygen tank.

Kaugnay nito ay nagbigay babala si Iranian President Hassan Rouhani na magiging malaking problema ng Iran sakaling makapasok sa bansa ang Indian variant.

Nakikihati ang India ng land borders sa Pakistan, Nepal, Myanmar, Bhutan at Bangladesh.

Ilan din sa mga nabanggit na bansa ay hirap na ring labanan ang pagtaas ng COVID-19 cases sa kabila nang pagpapatupad ng restriksyon at pagsasara ng mga borders.