Pinaalalahanan ng Filipino Society of Composer, Authors and Publishers (FILSCAP) ang mga kandidato sa nalalapit na halalan na may ligal na prosesong sinusunod sa paggamit ng mga awitin para sa mga campaign jingles.
Iginiit ng FILSCAP na sakop ng Intellectual Property Code of the Philippines ang paggamit ng mga kandidato ng background music pati na rin ang pagpapatugtog ng mga entertainment music sa isang event bilang ito ay maikukonsiderang “public performance”.
Ayon sa grupo, may karampatang licensing fees sa paggamit ng mga materyal na ito, mapa-local man o foreign copyrighted na mga kanta.
Nabatid na ang “public performance license” ay magkaiba sa “modification/adaption license” na kailangan kunin kung binago ang lyrics ng isang copyrighted na kanta sa materyal na pinapapatugtog sa campaign period.
Magkaiba rin ito sa “reproduction license” na kailangan namang kunin kung ang isang copyrighted na kanta ay ginamit sa isang campaign video.