-- Advertisements --

Tatlong buwan matapos ipatupad ng Australia ang pagbabawal sa social media para sa mga wala pang 16-anyos, lumabas sa isang pag-aaral na karamihan sa mga kabataan ay patuloy pa ring gumagamit ng mga online platform.

Ayon sa eSafety, ang internet safety regulator ng Australia, hindi naging epektibo ang pagpapatupad ng age verification ng mga social media platforms, kaya maraming menor de edad parin ang nakaka-access o nakakagawa ng bagong account.

Ipinakita rin ng pag-aaral na halos hindi nagbago ang dalas ng paggamit ng social media ng mga batang edad 10 hanggang 15, tatlong buwan matapos ipatupad ang batas.

Bagama’t bumaba ang bilang ng mga batang may sariling social media account, nanatili sa higit 80 porsiyento ang gumagamit ng mga platform tulad ng YouTube, TikTok, Snapchat, Facebook, at Instagram.

Dahil dito, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Australian government sa ilang malalaking tech companies kaugnay ng posibleng hindi nila pagsunod sa bagong batas.

Matatandaang ang Australia ang kauna-unahang bansa na nagpataw ng nationwide ban sa social media para sa mga wala pang 16 taong gulang bilang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga kabataan sa bansa.