Kinumpirma ni Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) director C/Supt. Arnel Escobal na ilan sa mga negosyante sa Region 10 ang inirereklamo ng pangingikil ng ilang mga tauhan nito.

Sa panayam kay Escobal, kaniyang sinabi na may natanggap siyang reklamo hindi lamang sa Region 10 kundi sa iba pang rehiyon sa bansa.

Dahil sa mga nasabing reklamo, agad na inatasan ni Escobal ang kanilang intelligence group para magsagawa ng validation at napatunayan na totoong nangingikil ang ilang tauhan ng HPG.

Kaugnay nito, inaresto ng mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ang dalawang pulis at dalawang sibilyan dahil sa pangingikil.

Nakilala ang dalawang pulis na sina Pol. S/Insp. Rolando Rigat, SPO2 Bernardo Crisanto.

Habang ang dalawang sibilyan ay sina Mac Harvey Tac-An at Canete Sidney.

Binalaan naman ni Escobal ang mga HPG personnel na gumagawa ng mga iligal na aktibidad na mananagot at masisibak sa serbisyo.

Sa ngayon, nananatili muna sa kustodiya ng CITF ang mga naarestong indibidwal.