Inihahanda na ng Mandaue City Police Office ang mga kaso laban sa isang lending investor ng casino na naaresto sa bayan ng Argao, Cebu kung saan nakumpiska ang mga high-powered firearms.
Inaresto si Rolando Pantinople alyas Enting, 46 anyos, matapos isilbi ang search warrant na inilabas ni Judge Noel Darren Damian ng Branch 26 ng Regional Trial Court ng nasabing bayan.
Nagresulta ang operasyon sa pagrekober ng isang itim na Mitsubishi Montero na ginamit ng suspek sa insidente ng pamamaril sa Mandaue City noong Enero 31, 2023 na nagresulta sa agarang pagkamatay ng isang kinilalang si Condrado Cosares.
Kabilang din sa nakumpiska ay ang 1 M16 assault rifle na may 6 na bala; 3 iba’t ibang klase ng caliber .45 pistol; 1 Cal. 357 magnum; isang caliber .40 pistol; 2 shotgun; 1 Cal .22 rifle na may silencer; at mga bala ng iba’t ibang armas at magazines.
Inihayag ni Mandaue City Police Office Deputy Director for Operations PLt. Col. Franco Rodulf Oriol, bahagi ng kanilang imbestigasyon ang pagtukoy kung miyembro ba ng gun-for-hire si Pantinople dahil sa dami ng armas na nakumpiska.
Magsasagawa din umano sila ng cross matching at ballistic examination upang matukoy kung ginamit din ba ang mga armas sa iba pang insidente ng pamamaril sa lungsod maging sa probinsya.
Kasalukuyang nakadetain ang naarestong suspek sa Police Station 2 Custodial Facility ng Mandaue City para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.










