-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tiniyak ng head ng City Veterinarian Office (CVO)-Davao na gumagawa na sila ng mga hakbang para hindi na kumalat sa ibang bahagi ng kanilang lungsod ang African swine fever (ASF).

Ayon kay Dr. Cerelyn Pinili, ito ang dahilan kaya agad nilang ipinatupad ang lockdown sa mga lugar na apektado ng nasabing virus partikular sa Barangay Dominga at Lamanan sa Calinan nitong lungsod.

Matapos kasing makumpirma ang kaso ng ASF sa siyudad, problemado ang mga residente ng Barangay Dominga at Lamanan sa Calinan dahil marami sa kanilang mga inaalagaang baboy ang namatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Edith Ampuan, isa sa mga apektadong residente, bigla na lamang nanghina ang kanilang alagang baboy at may napapansin silang mga pantal sa katawan nito na kulay pula.

Isa rin aniya sa kanyang mga baboy ay umihi na ng dugo hanggang sa binawian ng buhay.

Mula nito, takot na umano silang mag-alaga ng baboy dahil nasasayang lamang ang kanilang mga puhunan.

Samantala, nagpatupad na ng checkpoint ang mga otoridad sa lugar.

Dito ay pagbabawalan muna pumasok ang mga hayop at karne ng mga baboy kung saan kailangan dumaan sa foot bath ang mga residente na papasok at lalabas sa lugar.