-- Advertisements --
electoral board member teacher guro

Hindi muna makakatanggap ng dagdag honoraria ang mga gurong magsisilbi bilang electoral board members sa gaganaping barangay at Sanguniang Kabataan Elections ngayong taong 2023.

Paliwanag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, ito aniya ay dahil sa kakulangan sa budget na nararanasan ngayon ng komisyon.

Kung maaalala, noong taong 2022 ay humiling pa ng Php 10 billion na budget ang komisyon pandagdag sa Php 8.4 billion na halaga ng budget ng komisyon para sa naudlot na halalan noong Disyembre.

Ngunit ayon kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sa kabila nito ay nasa Php 2.7 billion lang aniya ang itinalaga ng Kongreso para sa 2023 national budget ng komisyon.

Ayon kay Garcia, dahil dito ay mananatiling nasa Php 6,000 lamang ang matatanggap ng mga electoral board chair, habang aabot naman sa Php 5,000 ang para sa mga electoral board members, at Php 4,000 naman ang para sa mga precinct workers.

Tanging ang Senado at Kamara lang kasi aniya ang makakapagdesisyon kung magkakaroon ba ng karagdagang pondo para sa honoraria ng mga electoral board members batay sa kanilang magiging budget deliberations.