-- Advertisements --

Kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na ipamamahagi sa tatlong Major Services ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Army, Navy at Air Force ang mga dumating na mga bagong war materials na nagkakahalaga ng P183-million mula sa Estados Unidos.

Ayon kay Sobejana, ilan sa mga dumating na war materials o gamit pandigma ay binili ng pamahalaan at ang iba ay donasyon naman mula sa Amerika.

Sinabi ni chief of staff malaking tulong sa kampanya laban sa terorismo ang mga dumating na bagong gamit pandigma.

Kaya tiwala si Sobejana na kanila nang mapupulbos ang teroristang grupo gaya ng Abu Sayyaf, BIFF at mga ISIS-inspired group.

Nagpasalamat din si Sobejana sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Joint US Military Advisory Group – Philippines (JUSMAG) sa patuloy ma suporta sa defense capability build-up ng bansa.

Ito’y matapos na dumating sa bansa ang P183 million halaga ng gamit pandigma na binili ng Pilipinas sa US sa pamamagitan ng U.S. grant assistance at sariling pondo.

Ang karamihan ng kagamitan ay panlaban sa terrorismo at pampalakas ng maritime security capability.

Kabilang dito ang Communication Equipment, Personal Protective Equipment, .50 caliber heavy machine guns, 60mm mortars, night fighting equipment, at support equipment.

Sinabi ni Sobejana na sa tulong ng mga kaalayado ng Pilipinas ang puspusang pagsusalong ng AFP modernization program, kumpiyansa siya na mas magagampanan ng mga sundalo ang kanilang tungkuling labanan ang terorismo, magsagawa ng humanitarian and disaster response, at ipagtanggol ang teritoryo ng bansa.