-- Advertisements --

Umaasa ang Malacañang sa mga doktor sa Pilipinas upang tumulong sa pagsisiguro sa listahan ng mga tao na may comorbidity na entitled para makakuha ng libreng coronavirus vaccines.

Ito ay para raw maiwasan ang posibleng binabalak ng ilan na pekehin ang kanilang sakit upang mauna sa pila ng libreng bakuna.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, imposible raw na magsinungaling ang mga doktor tungkol sa health condition ng kanilang mga pasyente kung magbibigay ang mga ito ng medical certificates para sa pagbabakuna.

Ang mga taong may comorbidity o may pre-existing chronic diseases ay nasa ikatlong pwesto sa listahan ng mga priority groups ng immunization program ng pamahalaan.

Mas pinalawig pa kasi ng pandemic task force ng gobyerno ang priority recipients kasunod na rin ng inaasahang pagdating sa bansa ng mga COVID-19 vaccine supplies ngayong buwan.

Aminado si Roque na talaganbg mainit ang isyu ng pamemeke sa sakit dahil na rin sa mga nagsasabi na kapag pinayagan ang mga may comorbidities ay marami rin daw mandadaya para mauna lang sila.

Iginiit naman ng kalihim na dapat ay pagkatiwalaan ng publiko ang mga doktor na mag-iisyu ng certificate na magpapatunay na hindi nagsisinungaling ang isang pasyente.

Paliwanag pa nito na ang mga taong may comorbidity, tulad ng diabetes at sakit sa puso ay maituturing na vulnerable mula sa pagkakaroon ng bagong strain ng coronavirus.

Roque explained that persons with comorbidity such as diabetes and heart disease are among the priority recipients since they are vulnerable to contracting the new coronavirus disease.

Ang mga frontline workers sa mga health facilities at mga senior citizens naman ang una at ikalawang recipients ng libreng bakuna mula sa gobyerno. Isinama rin sa revised list ng mga benepisyaryo ang mga frontline essential personnel, tulad ng uniformed forces, mga guro, social workers, overseas Filipino workers (OFWs), at iba pang uring manggagawa.

Posible rin aniya na isali rin sa priority group ng essential workers ang mga miyembro ng media.

Milyon-milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang matatanggap ng Pilipinas upang protektahan ang sambayanan mula sa nakamamatay na virus. Sa ngayon ay mga bakuna pa lamang mula Pfizer at AstraZeneca ang binibigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use approval.