KALIBO, Aklan — Nagsimula nang magsidatingan sa Isla ng Boracay ang mga delegado ng 2022 Philippine Councilors League End-Term Assembly.
Ito ang kinumpirma ni Police Lieutenant Colonel Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station.
Aniya, tinatayang mahigit sa 1,500 na mga konsehal mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang dadalo sa naturang pagtitipon na tatagal ng tatlong araw o hanggang Sabado, Marso 5, 2022.
Dahil dito, naka-full alert status ang buong Malay Municipal Police Station upang masiguro ang kaligtasan ng mga bisita.
Buhos na rin ngayon ang mga dayuhan at lokal na turista sa Boracay kasunod ng paglalagay sa Aklan sa Alert Level 1 o New Normal.
Sa kabila nito, sinabi ni De Dios na mahigpit pa rin nilang binabantayan ang mga lumalabag sa health and safety protocols.