Nagkasundo ang ilang mambabatas na hikayatin ang gobyerno na harangin ang mga dayuhan mula Europe matapos madiskubre ang bagong strain ng coronavirus disease sa United Kingdom.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat aksyunan kaagad ng Department of Health (DOH) ang kanilang suhestyon at huwag basta magpakampante.

Kung maaalala raw kasi noong Pebrero ay hindi kaagad pinagbawalan ng health department ang pagpasok sa Pilipinas ng mga dayuhan mula sa China na naging dahilan para mas lalo pang tumaas ang kaso ng deadly virus sa bansa.

Sinegundahan naman ito ni Senator Joel Villanueva, aniya ang temporary travel ban para sa mga dayuhan na manggagaling sa Europe ay sisiguro na hindi makakapasok sa Pilipinas ang bagong strain ng coronavirus.

Para naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, kailangan umano na gawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang siguruhin ang kaligtasan at proteksyon ng sambayanang Pilipino.

Una nang sinabi ng DOH na aaralin pa ng Research Institute for Tropical Medicine ang naturang bagong strain ng coronavirus at tiniyak ang mga hakbang na gagawin nito para bantayan ang nasabing development.

Saad naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi na kailangan pang magpatupad ng mas mahigpit na travel restrcitions kahit ang pinapayagan lamang na makapasok sa bansa ang mga diplomats, mga indibidwal na may negosyo sa Pilipinas, at gayundin ang mga Filipino citizens.