Dakong ala-1:30 ngayong hapon pababalikin sa China ang 146 na Chinese nationals na hinarang kahapon ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil pa rin sa pangamba sa novel coronavirus.
Kasunod na rin ito ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na expanded travel ban sa mga foreign nationals na nanggaling sa Hong Kong, Macau at China.
Ayon kay Bureau of Immigration Port Operations chief Grifton Medina, sa ngayon ay nananatili sa exclusion room ang mga banyaga na hinarang kagabi.
Aniya nasa 33 na sa 300 Chinese nationals ang nakabalik sa China kaninang umaga.
Sa mga nasa isolation room, wala pa raw sa mga ito ang nakitaan ng sintomas ng 2019 nCoV.
Nilinaw naman ni Medina na ang mga foreign nationals lamang na nanatili sa China, Hong Kong at Macau ng 14 araw ang pababalikin sa kanilang bansa at hindi kasali rito ang mga dumating na mga Pinoy.