Nanindigan si International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Kristina Conti na dapat pakinggan muna ang boses ng umano’y mga biktima ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago siya gawaran ng interim release.
Maalalang humiling ang kampo ng dating pangulo na magawaran siya ng pansamantalang kalayaan na kung maaaprubahan ay pansamantala siyang makakalabas mula sa detention facility ng ICC patungo sa isang hindi na tinukoy na bansa.
Kinumpirma rin ng ICC prosecutor ang kanilang ‘non-opposition’ o hindi nila pagtutol sa kahilingan ng dating pangulo.
Giit ni Atty, Conti, ang perspektibo ng mga biktima ay kasing-halaga ng sariling perspective ng defense at ng prosecution team, kaya’t dapat muna itong pakingan ng international tribunal.
Binatikos din ng abogado ang claim ng defense team na nakausap na nila ang prosecution at ang kinatawan ng isang bansa na pabor na kupkupin ang dating pangulo sakali mang pagbigyan ang kahilingan para sa interim request.
Ayon kay Conti, dapat munang kumpirmahin ito ng ICC dahil parehong self-serving ang mga naturang pahayag, at wala pang katiyakan kung totoong ginawa ang mga ito.
Hiling ng abogado, dapat ay mabigyan ng pagkakataon ang mga biktima ng drug war na kaniyang kinakatawan, upang ihayag ang mga dahilan ng kanilang pagtutol sa naturang hakbang.
Sa kabila nito, tiniyak ni Conti na bagaman posibleng mapagbigyan ang hiling ng kampo ni Duterte para sa interim release, hindi ito nangangahulugang magiging malaya na siya ng tuluyan dahil magiging istrikto pa rin ang ICC sa kaniyang mga aksyon tulad ng pakikipag-usap sa mga mamamahayag.