KORONADAL CITY – Nagdagdagan pa ang mga nagreklamong miyembro ng Dianamite investment scam sa lungsod ng Koronadal matapos mabigong makapag-payout mula sa sinasabing founder nito na si Diana Roldan, dating overseas Filipino worker (OFW).
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa ilang mga investors ng Dianamite, mula sa mahigit 20 nagreklamo kahapon sa Bombo Radyo at dumulog sa Koronadal City Police Station ay umabot na mahigit 40 ang nagpaabot ng kanilang reklamo.
Nanawagan ang mga ito kay Roldan na ibalik na lang ang kanilang pera kahit wala na ang interes dahil napag-alaman na karamihan sa perang ininvest ay mula sa utang at mga pinaghirapang pera mula sa mga kaanak na nagtatrabaho sa abroad.
Dagdag pa nito na natuklasan din ng Bombo na ilan sa mga nag invest sa Dianamite ay mga biktima din ng Kabus Padatuon (KAPA) investment scam na gustong makabawi matapos hindi na naibalik ang pera mula sa KAPA matapos itong ipasara habang nagtatago naman ang founder na si Joel Apolinario.
Sa ngayon natatakot na rin ang ilang mga investors sa kanilang buhay dahil galit na ang ilan din sa kanilang mga ni-recruit at pinagbabantaan na ang kanilang buhay.