Umapela ang grupong Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics sa mga magulang at mga guardian na mahigpit na bantayan ang mga minor na anak sa anumang papasuking online activities.
Tinukoy ng grupo ang inirekomenda ng Philippine Pediatric Society (PPS) na hindi dapat magkaroon ng ‘unsupervised access’ sa social media ang mga batang edad 16 pababa.
Giit ng mga ito, kailangang maprotektahan ang mga bata mula sa mapanganib na online content na maaaring maka-apekto o maka-impluwensiya sa kanilang aksyon o mga kilos.
Kabilang dito ang mga content na hindi akma sa kanilang edad, mapanganib na usapan, mga pagbabanta, video ng karahasan, at iba pang mga banta na lumalabas sa digital space.
Ayon sa grupo na binubuo ng mga pediatricians at mga eksperto, labis na bulnerable ang mga bata na mayroon na o dati nang nakikitaan ng ‘developmental, behavioral, at mental health needs’ sa exposure nila sa digital space.
Hindi anila nare-regulate ang lumalabas sa online, at ang kanilang exposure o pagkakalantad sa mga mapanganib na content ay posibleng maka-impluwensiya sa kanila.
Nanindigan ang grupo na kailangang ma-regulate ang access ng mga bata sa digital space, lalo na kung hindi makayang i-regulate ng pamahalaan ang mga lumalabas na content sa online.
















