Patuloy na maghahanap ang Department of Education (DepEd) ng paraan upang tulungan ang mga batang hindi nakapag-enroll ngayong school year.
Ito ang naging ni Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio sa naging pahayag ng isang senador na nakaka-alarma na raw ang dumadaming bilang ng mga out of school youth sa bansa.
Ayon pa sa chairman ng Senate Committee on Youth, dapat ay bigyang pansin ng DepEd ang kasalukuyang sitwasyon ng mga out of school youth lalo na ngayong may pandemic. Kung magpapatuloy daw kasi ang pagtaas ng bilang ng mga out of school youths sa bansa ay posibleng mas malaking problema ang dala nito sa hinaharap.
Ginagalang umano ng kagawaran ang desisyon ng mga magulang na huwag munang papasukin sa paaralan ang kanilang mga anak.
Dagdag pa ni San Antonio na hindi isinasantabi ng kagawaran ang isyu kung kaya’t patuloy umano ang pagtalakay dito sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS).
Batay sa datos ng DepEd ngayong school year 2020-2021, nagkaroon ng biglang pagbaba sa total enrollment sa basic education level bunsod na rin ng COVID-19 pandemic na hinaharap ng bansa.
Sa pinagsamang enrollment data para sa pampubliko at pampribadong paaralan ay lumalabas na nasa 25.05 milyong estudyante lamang sa Pilipinas ang nag-aaral ngayon.
Kumakatawan ang nasabing bilang sa 90.2% ng enrollment noong 2019, subalit bumaba naman ang bilang ng mga estudyante na nag-enroll sa pampribadong paaralan. Umabot lamang ng 51.7% ang enrollment sa private schools noong nakaraang taon.
Tumaas naman ng 2.4% ang bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll sa pampublikong paaralan.
“Ideally, every child should be able to avail of basic education services,” saad ng opisyal. “However, we cannot force the parents to enroll their children at this time, it has become optional.”
Dagdag pa nito, “We are doing everything we can to address these issues but there also has to be accountability on the part of the parents.”