-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na seryoso ang mga pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos muling mabanggit ang mga pahayag nina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Ayon kay Palace Press Officer, Usec. Claire Castro, hindi na bago sa Pangulo ang naturang mga banta at batid niyang nagmumula ito sa kaniyang mga kalaban sa pulitika lalo na mula sa mga Duterte.

Binigyang-diin ni Castro na obligasyon ng mga kinauukulang ahensiya na tiyakin ang seguridad ng Pangulo at magsagawa ng masusing imbestigasyon. 

Sinabi ni Castro hindi dapat ituring na biro ang usapin dahil buhay ng Pangulo ang nakataya. 

Dagdag pa ni USec Castro, dahil sa mga banta sa buhay ng Punong Ehekutibo, matagal nang may umiiral na mahigpit na seguridad para sa Pangulo.

Punto pa ng Palace Official, anumang antas ng proteksiyon na kinakailangan ng Pangulo ay dapat ipagkaloob ng mga kinauukulang ahensiya at, kung kinakailangan pang paigtingin ang seguridad dahil sa mga naririnig at nakikitang banta, nararapat lamang itong gawin upang matiyak ang kaligtasan ng Pangulo.