Isasailalim sa training ng PNP Special Action Force (SAF) ang mga bagong recruit na police bago pa man sila i-deploy sa ibat ibang regional police offices.

Magiging obligado na ang pagsailalim sa mga pulis bago ang kanilang deployment.

Nais kasi ni PNP Chief Police Director Gen. Oscar David Albayalde na magkaroon ng urban warfare training ang mga pulis.

Naniniwala si Albayalde na mahalaga na hubugin ang disiplina ng mga pulis bago i-deploy ang mga ito sa mga rehiyon.

Binigyang diin ni Albayalde na magpapatupad sila ng standard training at magtatayo ng mas maayos at mas malaking pasilidad kung saan isasagawa ang mga pagsasanay.

Napag-alaman na dating naging opisyal ng PNP-SAF si Albayalde kaya alam nito ang training ng SAF.

Una nang sinabi ni Albayalde na kulang sa training ang ilang mga pulis kaya nawawalan ang mga ito ng disiplina habang ang iba ay nasasangkot sa iba’t ibang katiwalian.