lIang mga artista at kilalang mga personalidad ang dumating sa unang gabi ng burol ng labi nang tinaguriang reyna ng pelikulang Pilipino na si Susan Roces.
Kabilang sa mga dumating upang personal na makiramay ay sina Ruffa Gutierrez, Maricel Soriano, Helen Gamboa, Sen. Tito Sotto at Sheryl Cruz na pamangkin ni Susan.
Dumating din ang paboritong leading man ni Susan Roces noon na si Eddie Gutierrez at ang asawa nitong si Annabelle Rama.
Nagpaabot na rin ng kaniyang pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte at nagpadala na rin ito ng bulaklak.
Nakaburol ngayon sa Heritage Park sa Taguig City ang labi ng beteranang aktres.
Inalala naman ng aktres na si Lorna Tolentino ang kabutihan at pagmamahal ng isa sa mga itinuturing na icon ng Philippine cinema na si Susan Roces.
Pumanaw ang batikang aktres nitong Biyernes sa edad na 80.
“I will hold you in my heart. We will miss you. Maraming salamat sa pagmamahal Tita Susan. Our love and prayers,” mensahe ng aktres sa kaniyang instagram post.
Habang ang aktor na si Coco Martin ay lubos na nagdadalamhati sa pagpanaw ni Roces.
“Mahal na mahal kita Lola. Maraming salamat po sa lahat ng biyaya, pag gabay at pag aruga. Nabuo ako, dahil sa pagmamahal mo. Hindi kita makakalimutan. Nasa puso at nasa isip kita habangbuhay. Mahal po kita,” ang mensahe pa ng aktor.