Nakatakdang maglabas ng kanilang rekomendasyon ang mga alkalde sa Metro Manila pahinggil sa susunod na alert level na maaring ipatupad sa nalalabing mga araw ng Pebrero, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA officer-in-charge General Manager Romando Artes, hindi pa sa ngayon kumpleto ang lagda ng mga miyembro ng Metro Manila Council kaya hindi pa niya masabi kung ano ang rekomendasyon ng mga ito.
Ang naturang rekomendasyon ay kaagad ding ipapadala sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, ayon kay Artes.
Noong Sabado, muling iginiit ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion ang kanyang proposal na ibaba ang quarantine status ng NCR sa pinakamaluwag na Alert Level 1, upang sa gayon ay lalo pang mapalakas ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Kahapon, Pebrero 13, sinabi naman ni Interior Sec. Eduardo Año na nakatakdang magpulong ang IATF ngayong araw para talakayin ang posibleng pagbabago sa alert level status ng National Capital Region.