BOMBO DAGUPAN – Isinalarawan ni Sunshine Laed, Bombo International News Correspondent sa Israel ang Pilipinong nasawi dahil sa gyera na si Grace Prodigo Cabrera bilang mabuting kaibigan.
Si Grace ang ika-apat na Pilipinong nasawi dahil sa nangyayaring gyera sa naturang bansa.
Nagkakasama aniya sila tuwing kakain ng tanghalian sa Kibbutz Be’eri gayundin sa tuwing nagkakaroon ng zumba ang mga matatanda ay nakikisali aniya sila.
Inalala naman ni Laed ang masarap na luto ni Grace ng sariwang lumpia sa tuwing nagdaraos sila ng Christmas party.
Madalas din aniya silang magkasalubong noong panahon ng pandemya kung saan sabay silang kumakain kasama ang kanilang mga alaga.
Nang mapag-alaman ni Laed ang sinapit ng kaibigan, hindi umano niya maipaliwanag ang lungkot at wala na umano itong nagawa kundi umiyak nang umiyak.
Samantala wala naman aniya siyang balak pang umuwi ng bansa dahil naniniwala siyang maipapanalo ng Israel ang laban sa mga terorista at hindi sa mga Palestino.
Panawagan nito sa mga ibang mga karatig na bansa kabilang ang mga Pilipino na huwag silang makisawsaw sa pagpapahatid ng mga impormasyong sensitibo.