Nangako ang mga aktibista at pamila ng mga biktima sa malagim na anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte na itutuloy pa rin nila ang laban para makamit ang hustisya na kanilang inaasam.
Ito’y matapos ang naging alok na technical assistance ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa gobyernona humaharap sa kaliwa’t kanang akusasyon.
Napagdesisyunan ng UNHRC na tulungan ang administrasyong Duterte upang siguraduhin na maayos ang magiging imbestigasyon sa nagaganap na extrajudicial killings (EJK).
Ginawa ang naturang desisyon sa kabila ng inilabas na report ng UN noong Hunyo kung saan nakasaad dito na libo-libong katao ang posibleng napatay umano ng kampanya ng presidente laban sa iligal na droga simula noong 2016.
Ikinadismaya rin ng mga aktibista ang hakbang ng UNHRC ngunit tiniyak nila na kailanman ay hindi ito magiging rason upang humina ang kanilang loob upang ipaglaban ang hustisya.
Nakahanda umano sila na paigtingin pa ang pagkalap nila ng ebidensya upang ituloy ang kanilang panawagan na independent investigation.










