-- Advertisements --

Nagbabala si Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos na milyun-milyong Pilipino ang mananatiling walang trabaho kung wala pa ring malawakang programa sa job recovery ang maipapatupad kapag aprubado na ang paggamit ng bakuna laban sa Covid-19.

Sinabi ng mambabatas na lumitaw ang problema sa hindi pag-balangkas ng isang pambansang patakaran para sa job recovery nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi nila mandato ito kundi ng Department of Trade and Industry (DTI), habang nagaganap ang mga hearing tungkol sa 2021 national budget.

“Na-warningan na tayo na ang krisis sa ekonomiya ay mas mahirap masolusyonan kesa sa krisis sa kalusugan. Sino ang nagsasaliksik at gumagawa ng bakuna laban sa kawalan ng trabaho? Milyun-milyong Pilipinong walang trabaho at ubos na ang pera ang umaasa din sa isang bakunang pang-ekonomiya, pero mukhang walang namumuno,” wika ni Marcos.

Dagdag ng senador, napako na ang gobyerno sa mga “programang tila band-aid at panandalian lamang,” gaya ng mga job fair ng DOLE at ang TUPAD, CAMP, at cash-for-work.

Sa parating na ika-87 anibersaryo ng DOLE ngayong linggo, inanunsyo ng ahensya na may 21,000 na alok na trabaho mula sa mga pribadong kumpanya dito at sa ibang bansa.

Ngunit sinabi ni Marcos na wala pa ito sa isang porsyento ng 3.8 milyong Pilipino na walang trabaho ngayon, base sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority.