Matapos ang halos isang linggong walang tigil na pag-ulan dulot ng Bagyong Egay at Falcon na nagdulot din ng pagpapalakas ng habagat, binigyang-diin ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) at local government units (LGUs) sa pag-iwas sa masamang epekto ng nasabing weather phenomenon.
Magkakaroon ng pulong ang Metro Manila Council at mga LGUs sa Martes upang talakayin ang mga naging epekto ng nagdaang bagyong Egay.
Binanggit din ni Zamora ang kahalagahan ng mga pumping station ng ahensya na nakakalat sa paligid ng Metro Manila na magpa-pump ng tubig patungo sa mga ilog na nakakatulong na maiwasan ang pagbaha sa iba’t ibang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Hinimok din ng opisyal ang publiko na iwasang itapon ang kanilang mga basura sa mga daluyan ng tubig at drainage na isa sa mga dahilan ng pagbaha.
Aniya, kailangang magsikap ang gobyerno at kailangan ding magsikap ang mga kababayan para malutas ang problema ng pagbaha.
Sa kabilang banda, tinalakay din ni Zamora ang mga pagsisikap at programa ng lungsod sa pagsugpo sa problema sa baha upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente malapit sa mga ilog at sapa.