-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na tuloy-tuloy pa rin ang pagrolyo ng basic health services ng gobyerno kahit nasa gitna ng krisis sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nasa ilalim ng Department Order na may petsang March 25 ang “Interim Guidelines for Immunization Services in the context of COVID-19 Outbreak.”

“Napapaloob dito ang pagbabakuna sa lahat ng mga batang may edad zero to 12 months.”

Kabilang daw sa mga available na bakuna ang para sa measles o tigdas.

“Bukas ang mga health center mula Monday to Friday para magbigay ng routine immunization services sa mga bata.”

Paalala ng DOH sa mga magulang na huwag kalimutang magsuot ng face mask, sundin ang physical distancing at dalhin ang immunization card ng kanilang anak kapag nagpunta sa health center.

Bukod sa bakuna, patuloy din daw ang Health department sa pamamahagi ng gamot para sa sakit na tuberculosis (TB).

“Mahalagang sundin ang araw-araw na pag-inom ng inyong gamot sa takdang oras ayon sa payo ng inyong doktor o nurse.”

Maaari raw makakuha ng supply sa gamot ang TB patients sa kanilang local TB-DOTS facilities o hindi kaya’y tumawag sa TB nurses.

“Kung may mararamdamang hindi kanais-nais matapos uminom ng gamot, agad itong ipaalam sa TB partner o TB nurse.”