-- Advertisements --

Naniniwala si Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na mayorya ng mga miyembro ng House committee on justice ang boboto upang ideklarang may “probable cause” ang mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ridon, hindi na umano maituturing na simpleng “smoking gun” ang mga ebidensya, kundi isa nang “nuclear bomb,” matapos ihayag ng Anti-Money Laundering Council ang umano’y kahina-hinalang transaksyon na umaabot sa ₱6.7 bilyon na may kaugnayan sa Bise Presidente at kanyang pamilya.

Nakatakdang idaos ang susunod at posibleng huling pagdinig ngayong Miyerkules, Abril 29, kung saan inaasahang tatalakayin pa ang natitirang mga reklamo, kabilang ang alegasyon ng pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Inaasahan din ni Ridon na aaprubahan ng Kamara ang committee report na magrerekomenda ng impeachment, at makakamit ang kinakailangang bilang ng boto upang maipasa ito sa Senado.

Samantala, ayon kay Justice Committee chair Rep. Gerville Luistro, maaaring isagawa ang botohan sa isyu ng probable cause matapos ang pagdinig kung wala nang hihiling ng karagdagang araw ng hearing.