Handang-handa na ang pamahalaang lungsod ng Navotas sa pamamahagi bukas ng ayuda mula sa national government para sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong National Capital Region (NCR).
Pero nakikiusap si Mayor Toby Tiangco sa mga makakatanggap ng ayuda na kung maari ay iwasan ang masyadong maagang pagpunta sa mga distribution sites para maiwasan na rin ang siksikan sa harap ng banta ng mas nakakahawang Delta coronavirus variant.
Ayon kay Tiangco, naka-post na sa kanilang websites ang pangalan ng mga beneficiaries at ang schedule kung anong oras dapat pumunta ang mga ito sa mga napiling paaralan na magsisilbing distribution sites.
Kaya kung maari aniya ay 30 minuto bago ang schedule na lang dapat pumunta sa mga distribution sites dahil kung mas maaga, at dadagsa ang maraming mga tao ay mapipilitan silan ihinto ang pamamahagi ng ayuda salig na rin sa mga umiiral na minimum health protocols.
Samantala, sinabi ni Tiangco na mas mababa ngayon ang matatanggap na pondo ng Navotas LGU mula sa national government para sa ayudang ipapamahagi kung ikukumpara sa pondo na kanilang natanggap naman noong Marso at Abril na ECQ period.
Naghahanap na aniya sila ng mga savings at mga proyekto na maaring i-revert muna ang pondo para punuan ang kakulangan na ito para matiyak na lahat ng mga nasa listahan ng DSWD ay makakatanggap ng ayuda.