Nagdesisyon si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagka-bise presidente sa halalan sa susunod na taon kasunod na rin ng panwagan ng kanyang mga supporters na magsilbi para sa bansa.
Ayon sa presidential daughter, nagdesisyon na siyang huwag nang sumali pa sa presidential bid, patunay na rito ang kanyang paghahain ng certificate of candidacy para sa kanyang reelection bid noong nakaraang buwan.
Subalit hindi aniya tumitigil ang kanyang mga supporters sa paghimok sa kanya na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022 national elections.
“Nagdesisyon na ako na huwag tumakbo pagka-Pangulo ng Pilipinas. Subalit wala pa ring humpay ang inyong mga panawagan kahit na pagkalipas ng ikawalo ng Oktubre,” ani Duterte-Carpio..
“I have thousands of supporters who cried last October 8 and I cannot find it in my heart to make them cry again on November 15,” dagdag pa niya.
“After the deadline, the offer to run for Vice President became an opportunity to meet you halfway. It’s a path that would allow me to heed your call to serve our country, and would make me a stronger person and public servant in the years that lie ahead,” giit ni Mayor Sara.
Kahapon, Nobyembre 13, ipinadala ng alkalde ng Davao City ang kanyang kinatawan para maghain ng kanyang COC sa pagka-bise presidente sa ilalim ng Lakas CMD.
Pinalitan niya si Lyle Uy na nauna nang binawi ang kanyang COC.
Ang paghahain ni Mayor Sara ng kanyang kandidatura sa pagka-bise presidente ay nangyari dalawang araw matapos naman siyang manumpa bilang bagong miyembro ng Lakas CMD.
Ito ay kasunod nang nang anunsyo ni Hugpong ng Pagbabago secretary general Anthony Del Rosario na nagbitiw na si Mayor Sara sa kanilang regional party.