-- Advertisements --

DAVAO CITY – Binigyang linaw ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na wala siyang galit kay Senator Christopher “Bong” Go na kilalang gatekeeper ni Pangulong Rodrigo Duterte at isyu ng pagtakbo sa 2022 election.

Ito ang sagot ni Mayor Inday sa inilabas na artikulo ng politics.com.ph, isang blog patungkol sa Philippine politics na may titulong “All gloves off! Sara vs Bong Go/Honeylet na isang proxy sa away umano ng first at second family.

Kabilang rin sa artikulo ang away umano ng magkapatid na Duterte at ni Sen. Bong Go.

Ngunit inihayag ng alkalde na wala silang away sila ng senador at tinawag pa nito ang nasabing artikulo na mababaw.

Dagdag pa ni Mayor Inday na hindi siya gagawa ng last-minute decision kung sakaling tatakbo bilang Pangulo hindi gaya ng kanyang ama noong 2015.

Una na rin na inihayag ni Sen. Go na nakipag-usap na siya sa mayor at sinabi rin na wala silang isyu sa isa’t isa.

Matatandaang una na ring nagpahayag si Mayor Inday na hindi dapat kaladkarin kanyang pangalan kung tatakbo o hindi tatakbo sina Sen. Bong Go at Pangulong Rodrigo Duterte.