Patung-patong na “notice to explain” na ang ipinadala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) regulatory office sa tanggapan ng MAYNILAD dahil sa dami ng mga nagrereklamo sa kawalan ng supply ng tubig.
Unang notice ay para sa kabiguang makapagbigay ng abiso sa kanilang water consumers.
Habang ang ikalawa ay para sa kabiguan pa ring maibalik sa normal ang daloy ng tubig, kahit matagal nang nalusaw ang dumaang bagyong Ulysses.
Ayon pa sa regulatory office, mula noong nakaraang linggo ay bumuhos na ng reklamo ng mga residente ng mga lugar na apektado ng water interruption.
Daing nila, bagama’t paminsan-minsan ay nagkakaroon ng supply, ngunit hindi naman sinusunod ng Maynilad ang inaanunsyong schedule ng pagkawala at pagbabalik ng daloy ng tubig.










