Aminado na ang pamunuan ang Philippine National Police (PNP) na nagkaroon ng security lapses or gaps sa ipinatupad na seguridad sa Isulan, Sultan Kudarat, kasunod ng panibagong pagsabog kagabi na ikinasawi ng dalawang indibidwal habang 15 ang sugatan.
Ayon kay PNP spokesperson S/Supt. Benigno Durana, tinutukoy na kung anong mga security gaps ang naging dahilan kung bakit muling nalusutan ang mga otoridad.
Ito’y kahit umiiral ang Martial Law at nasa full alert status ang buong Mindanao.
Dahil sa security lapses kaya sinibak sa puwesto ang provincial director ng Sultan Kudarat at chief of police ng Isulan.
Sa ngayon, ipinag-utos na ni PNP Chief Oscar Albayalde kay Police Regional Office-12 regional police director, C/Supt. Eliseo Tam Rasco na palakasin ang checkpoint operations, police visibility patrols, at focused intelligence and law enforcement operations sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa PNP chief, kailangan palitan ang mga nasabing opisyal para bigyang-daan ang ongoing investigation dahil hindi makatarungan na kahit pinaigting na ang seguridad sa lugar ay nalusutan pa rin sila ng mga terorista.
Kinumpirma ni Durana na mga breakaway group ng BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters) ang nasa likod ng dalawang pagsabog sa Isulan.
Sa ngayon lahat ng available security forces para tugisin ang nasa likod ng panibagong pagsabog.
Mariin ding kinokondena ng PNP ang panibagong insidente ng pagsabog na malinaw na isang “act of terrorism” na layon talagang makapaghasik ng karahasan.
“We join the entire Filipino nation in strong condemnation of this senseless act of terror for whatever motive its perpetrators,” mensahe ni Durana.
Umapela naman ang PNP sa publiko na huwag matakot, bagkus ay ipagpatuloy ang normal na pamumuhay dahil ginagawa nila ang lahat para mapanatili ang seguridad.
Samantala, magkaiba ang signature ng improvised explosive device (IED) na sumabog sa Isulan, Sultan Kudarat kagabi, at noong nakaraang August 28 lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division Commander B/Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na ang sumabog na IED kagabi ay gawa sa PVC o pipe bomb habang ang unang sumabog ay isang jetmatic bomb.
Tinukoy ni Sobejana na ang Dawla Islamiya Turaife na ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) inspired group ang nasa likod ng panibagong pagsabog.
Aminado rin ito na nagkaroon na naman ng security gaps sa ipinatupad nilang seguridad.
Una nang sinabi ni Sobejana na dinagdagan nito ang puwersa sa Isulan upang maibsan ang takot ng mga residente sa lugar.
Sa ngayon ayon sa heneral, may magandang lead na rin sila sa nangyaring unang pagsabog at ang inilabas na cartographic sketch ay hawig ito ng indibidwal na subject na ng kanilang manhunt operations.