-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nananawagan sa ngayon ng tulong ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia na mairescue sa kanyang employer dahil sa iniindang karamdaman nito.

Kinilala ang OFW na si Amor Simpal, 26-anyos, may asawa at dalawang anak at residente ng Purok Tuburan, Barangay San Miguel, Norala, South Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Simpal, inihayag nito na noong buwan ng Setyembre 2021 siya umalis sa bansa upang makapagtrabaho sa Saudi ngunit minalas ito sa kanyang unang employer dahil sinasaktan siya at hindi pinapakain.

Ibinalik umano siya sa kanyang Agency at nakahanap naman ng pangalawang employer nito na kanyang pinagtatrabahuan ngayon.
Ngunit sa kasamaang palad ay dahil sa bigat nang trabaho at halos hindi makakain ng maayos ay nagkasakit si Simpal.

Namamaga at masyado umanong masakit ang kanyang kanang bahagi ng kanyang katawan mula sa beywang pababa sa kanyang paa.

Sinabi niya na umano ito sa kanyang employer ngunit hindi man lang siya pinapakinggan at patuloy na pinatatrabaho.

Naipagamot umano siya ng makaisang beses ngunit pinainom lamang ng gamot at muling pinatrabaho.

Makailang beses niya na ring ipinaabot sa kanyang recruiter sa Geo Shere Recruitment Agency ngunit sinabihan pa siya umanong sumakay lamang ng taxi at iwanan ang bahay ng employer nito.

Ayaw din umano siyang pauwiin ng kanyang employer kahit sinabi niyang hindi na niya kayang magtrabaho pa dahil hinihingan siya ng bayad sa ginastos sa kanya.

Naidulog na rin ng kanyang pamilya ang problema nito sa OWWA ngunit wala pa umanong aksiyon hanggang sa ngayon.

Sa ngayon, nagmamakaawa si Simpal at ang kaniyang pamilya na marescue siya at matulungan na makauwi sa bansa.