-- Advertisements --

Ibinunyag ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na may natanggap silang intelligence information na may pinaplanong malaki ang New People’s Army (NPA).

Pero tumangging magbigay ng detalye si Dela Rosa kaugnay nito.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na kung may pinaplano ang rebeldeng grupo ay may ginagawa rin ang mga otoridad ukol dito pero hindi puwedeng ihayag sa media.

Sinabi ni Dela Rosa kailangan lumaban sila laban sa rebeldeng NPA by
“all means and by all cost.”

“We have to fight them, no retreat no surrender. We are the government, di sila ang gobyerno, tayo ang gobyerno,” pahayag ni Dela Rosa.

Dagdag pa ng PNP chief na matagal ng niloloko ng NPA ang gobyerno at ang taongbayan na ginagamit lang ang pagkakataon para magpalakas ng kanilang puwersa.

Una rito, binanggit ng PNP chief ang ginawang pananambang ng NPA sa Guihulngan, Negros Oriental, kung saan napatay ang anim na pulis kabilang ang chief of police.

Muli niyang pinaalalahanan ang mga police commander na mag-ingat sa mga tawag na may na-ambush dahil ang pulis ang target ng pananambang gaya ng nangyari sa Negros Oriental.

Sana aniya ay natuto na ang lahat ng leksyon sa nakalipas na karanasan sa NPA.