Iginiit ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Undersecretary Mico Clavano IV na mayroong nakalap na matibay na ebidensiya ang law enforcement agencies para suportahan ang pagtukoy kay suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. bilang terorista.
Ayon kay USec. Clavano, nakatakdang isumite ang mga nakalap na ebidensiya sa Anri-Terrorism Council (ATC) para suportahan ang rekomendasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla laban kay Cong. Teves.
Una ng inirekomenda ni Sec. Remulla ang designation kay Teves bilang terorista sa ilalim ng Republic Act No.11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 na siyang nagtatag ng Anti-Terrorism Council.
Nakatakda ring magpulong ang technical working group ng ATC para talakayin ang naturang isyu kung saan dito makikita ang pag-usad ng mga ebidensiyang nakalap at case build up ng law enforcement agencies.
Sinabi din ni USec. Clavano na mayroong ibang sources ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa iba pang mga insidente na hindi pa naisasampa sa korte o sa prosecutor at sinimulan na ang imbestigasyon sa mga ito.
Saad pa ng DOJ official na maraming nakalap na material ang ahensiya mula sa mga pagdinig na isinagawa sa Senado kung saan karamihan aniya sa mga insidente ay nabigyang-linaw.
Ang proseso aniya ng pagtukoy kay Cong. Teves bilang terorista ay posibleng matapos sa loob ng isang buwan o sa lalong madaling panahon kung kinakailangan pa na kumalap ng karagdagang ebidenisya.
Sa unang pagkakataon mula ng tukuyin ng DOJ bilang mastermind o utak ng Degamo slay case si Cong Teves, noon lamang Miyerkules, Mayo 17 ng masampahan ng kasong 10 counts of murder si Cong Teves , 14 na bilang ng frustrated murder at apat na bilang ng attempted murder kaugnay sa Pamplona masaccre noong Marso 4 na ikinasawi ng 10 katao kabilang si Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Limang mga respondents ang pinangalanan din bilang co-respondents sa inihaing criminal complaints ng National Bureau of Investigation (NBI) na natukoy na sina Angelo V. Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia, Nigel Electona, at isang indibidwal na tinukoy lamang sa mga alias nitong “Gee-Ann, Jie-An,” na kapatid na babae umano ni Palagtiw.
Nakatakda namang bumuo ang DOJ ng isang panel of prosecutors para siyasatin at pag-aralan ang mga inihaing complaints. Kapag mapatunayang mayroong probable cause saka mag-iisyu ng summons para imandato ang mga respondents na maghain ng kanilang counter-affidavits.