-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Health (DOH) sa pahayag nito na masyado pang maaga para masabing “nag-flatten” o napababa na ng tuluyan ng ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may mga indikasyon na ikinokonsidera para matukoy kung humuhupa na ang bilang ng tinatamaan ng sakit.

“Too early to say, hindi pa natin ‘yan masabi with all of these things that we are doing, wala pa tayo doon sa punto na puwede na tayong makapag-analyze at makapagsabi that we have already flattened the curve,” ani Vergeire sa virtual press conference.

Aminado ang opisyal na hindi real-time ang inilalabas nilang mga datos kada araw sa bilang ng mga bagong kaso, namamatay at gumagaling.

Mayroon pa raw kasing gap sa turnaround time ng mga datos at resulta.

Una ng sinabi ni Usec. Vergeire na bumagal ang “doubling time” o pagdoble ng mga naitatalang kaso ng sakit sa nakalipas na araw, batay sa obserbasyon ng ilang eksperto.

“Bumabagal ang case doubling time, mas magandang indikasyon iyon kasi ibig sabihin hindi ganoon (mabilis) ang pagtaas ng numero ng kaso,” ayon sa opisyal.

Para sa DOH, makikita lang ang malinaw na sitwasyon ng COVID-19 sa bansa kapag tuluyan ng lumakas ang kapasidad ng mga laboratoryo sa testing.

“Ang ating goal is by April 30, maka-reach tayo ng at least 8,000 tests per day. Once we can do that, we will be able to somehow detect ‘yung tamang detection at makikita na natin ‘yung actual picture.”

Paglilinaw naman ni Dr. Beverly Ho, na siyang officer in charge ng Health Promotion and Communication Service, hindi ibig sabihin na kinikilala ng ahensya ang obserbasyon ng mga eksperto ay tuluyan ng humupa ang COVID-19 cases.

“Why are we so careful about it? It’s because we know the issues with the data as well. We know the limitations. To call it as such would be irresponsible from our end,” ani Dr. Ho.