Sa kabila ng pababang trend na nakita ng Department of Health (DOH) sa mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, pinaalalahanan pa rin ng ahensya ang publiko ukol sa tamang pagsunod sa minimum health standards.
Sang-ayon ang Health department sa obserbasyon ng UP Octa Reserch group na may downward trend sa confirmed cases ng buong bansa nitong nagdaang mga linggo. Pero dapat umanong manatili sa general community quarantine ang Metro Manila.
“Whatever the community quarantine measure is, we cannot be complacent at this point. So tayong lahat dapat susunod pa rin sa minimum health standards,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ipinaalala ng opisyal na hindi lang numero ng mga kaso ang kinokonsidera ng Inter-Agency Task Force sa pagde-desisyon kung anong antas ng community quarantine ang ipapatupad sa isang lugar.
Kasali rin daw sa mga tinitingnan ng mga opisyal ang sitwasyon at kapasidad ng health system, at iba pang indicators tulad ng attack rate, growth curve at critical care utilization rater
“Every two weeks kinukumpara yung mga numero ng mga kaso from the previous two weeks. Dito nakikita natin kung paano ang increase in cases.”
“Kapag nakita natin na hindi nakakaagapay ang isang lugar inspite na mababa pa lang ang kaso, may mga times na magde-desisyon ang IATF na itataas (quarantine status).”
Aminado ang ahensya na hanggang ngayon ay may mga lugar pa rin na may clustering ng COVID-19 cases kaya umaakyat pa ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit. Pati na ang expanded testing.
Sa kabila nito naniniwala ang DOH na nakatulong ang iba’t-ibang stratehiya na ipinatupad ng gobyerno para mapabagal ng bahagya ang pagkalat ng COVID-19.
Ngayong araw posibleng ianunsyo na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine status sa National Capital Region.