-- Advertisements --

Pasig4

Arestado ang may-ari at caretaker ng isang sports arena sa Pasig City dahil sa paglabag sa community quarantine protocols kasama ang 21 indibidwal kabilang ang dalawang menor-de-edad.

Ayon kay Pasig City police chief Col. Roman Arugay, huli sa akto ang 21 indibidwal na naglalaro ng basketball sa loob ng Metro Asia Arena na matatagpuan sa may bahagi ng Elisco Road, Barangay Kalawaan, Pasig City bandang alas-8:00 kaninang umaga.

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang pulisya na hinggil sa napaulat na mass gathering sa nasabing sports arena dahilan para pinuntahan ng mga tauhan ng Pasig Police sa pangunguna ni Lt. Jayzon Lovendino.

Arestado ang caretaker ng sports arena na si Ehmer Mendoza, 45, residente AV Cruz St., Brgy, Kalawaan, Pasig City at isang Albert Dy, may-ari ng Metro Asia Arena.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang may-ari at caretaker habang tinikitan ang 21 health violators na dinala sa Child’s Hope Hospital para sumailalim sa antigen test.

Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Pasig City Prosecutor’s Office ang inarestong may-ari at caretaker.

Pasig5

Kasong paglabag sa EO No. PCG- 66 in relation to R.A. 11332 IATF Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines.

Samantala, patuloy na pina-alalahahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kaniyang mga constituents na huwag maging pasaway at sumunod sa umiiral na quarantine classifications.

Siniguro ng alkalde na hindi nila palalagpasin ang mga lumalabag sa quarantine protocols.

Sa ngayon, batay sa datos ng Pasig City nasa 2,091 ang kanilang COVID-19 active cases as of September 4,2021.