Hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga may-ari ng supermarkets na bawasan ang presyo ng mga ibinibentang karne ng baboy at iba pang meat products sa gitna ng price ceiling na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food nitong umaga, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na sinusubukan nilang kumbensihin ang mga supermarket owners na babaan pa nila sa suggested retail price ang presyo ng mga ibinibentang karne at iba pang meat products.
Kamakailan lang ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) No. 124, na nagpapataw ng 60-day price freeze sa karne ng baboy at manok sa Metro Manila.
Sa ilalim ng EO, ang price ceiling para sa kada kilo ng kasum at pigue ay P270, ang kada kilo naman ng liempo ay P300, at P160 para sa kada kilo ng dressed chicken.










