DAVAO CITY – Plano ngayong idulog ng isang pamilya na nagmamay-ari ng beach resorts sa Island Garden City of Samal sa Korte Suprema ang kanilang reklamo patungkol sa Davao-Samal bridge project.
Nais daw nilang magsampa ng Writ of Kalikasan laban dito.
Nagbanta ang nasabing pamilya na gagawin nila ang nasabing hakbang kung hindi umano bibigyan ng pansin ang kanilang apela na ilipat ang “landing site” para mabigyan ng proteksiyon ang marine life sa lugar.
Ayon pa kay Atty. Julito Sarmiento, chief executive officer at founder ng Climate Change Adaptation Resettlement Earth (CARE) Commune, pagsampa ng Writ of Kalikasan ay ang huling opsiyon ng pamilyang Rodriguez nas nagmamay-ari ng resort.
Sinasabing isang legal ang nasabing hakbang na magbibigay ng proteksiyon sa constitutional right ng mga tao para mapanatiling protektado ang kalikasan.
Nakigpag-ugnayan na rin umano ang pamilya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Hong-Kong-based consultant Ove Arup para makumbinse ang mga ito na ilipat ang landing site.
Napag-alaman na pinili ng Ove Arup ang Paradise Island Park Beach Resort at Costa Marina Beach Resort na parehong pagmamay-ari ng nasabing pamilya bilang landing site ng 3.98-kilometer bridge na sinasabing malaking banta sa marine life.
Ang nasabing tulay ay isang 75 big-ticket flagship projects sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng Duterte administration kung una na umanong plinano noong taong 1970.