Wala umanong karapatan na humingi ng time out ang Philippine National Police (PNP) lalo na ngayong may kinakaharap na COVID-19 pandemic ang bansa.
Ito’y makaraang hilingin ng medical frontliners kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang linggong “time out.”
Aminado naman si PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na may ilang doctor at nurse na pulis ang nakararanas na rin ng pagod dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa kanilang hanay.
Ayon kay Gamboa, batid nya ang hirap ng mga doctor at nurse na pulis kaya plano nyang magkaroon ng “heart to heart talk” sa mga ito. Sa ngayon ay wala pa namang mga doktor at nurse na nagrereklamo ng hayagan sa PNP.
Samantala, hindi muna aarestuhin ng mga pulis ang mga lalabag sa quarantine protocols ngayong umiiral muli ang modified enhanced community quarantine sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa tatlong araw ang kanilang palugit para bigyan muna nang warning ang mga lalabag protocols.
Mahigpit na utos ni PNP Chief sa mga pulis na palaging pairalin ang maximum tolerance o mahabang pasensya para sa mga nagrereklamong indibidwal lalo na kapag babae at matatanda.
Hiling din ni Gamboa sa publiko na huwag i-provoke ang mga pulis dahil maaring kasuhan ng disobedience at paglabag sa mga health protocols ang mga ito. Ayon sa PNP ang papayagan lamang na lumabas ng bahay ay ang mga Authorized Persons Outside Residence O (APOR).
Kahit nakatutok ang mga pulis sa mga quarantine checkpoints ay tuloy pa rin naman ang anti-criminality campaign ng PNP.










