Masayang ibinalita ng aktres na si Maureen Larrazabal na negatibo na ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Maureen, nitong Sabado niya raw natanggap ang resulta ng kanyang swab test kung saan nakasaad na wala na itong COVID-19 na nilabanan niya nang mahigit isang buwan.
Itinuturing din ng sexy actress na “best gift ever” ito, lalo pa’t sa Setyembre 23 ay magdiriwang ito ng kanyang kaarawan.
“Umiiyak ako habang tumatawa nang mabasa ko ang resulta ng swab test sa akin,” wika ni Maureen sa isang panayam. “Magpapamisa ako ‘tapos magpapasalamat sa lahat ng mga tao na hindi ako iniwan, hindi ako iniwasan, at hindi nag-discriminate sa akin.”
Inamin din ni Maureen na bagama’t nakaramdam ng takot nang makumpirma niya na siya ay COVID-19 positive, mas nangibabaw daw sa kanya ang pagiging matatag.
Noong Setyembre 7 nang kinumpirma ni Maureen na dinapuan ito ng nakahahawang virus matapos makaramdam ng ilang sintomas, gaya ng pagkawala ng pang-amoy at lagnat.