-- Advertisements --

Hindi big deal kay Matteo Guidicelli ang mas maraming inaaning batikos kaugnay sa nag-viral o pinag-usapang “unboxing” video nito.

Ayon sa 30-year-old Filipino-Italian actor, aware naman siya sa natanggap na mahigit 55,000 “dislikes” mula sa one million views ng kanyang video sa YouTube kung saan mapapanood ang pagbukas nito sa nakabalot na bagong playstation.

Pero giit ng asawa ng celebrity ding si Sarah Geronimo, hindi maituturing na “unboxing” ang kanyang ginawa kung walang audience.

Ang “unboxing” ay pagbukas ng mga produkto partikular ang mga high tech consumer products habang naka-video para mai-upload sa internet.

Una nang inamin ni Guidicelli na first time niyang subukan ang pag-unbox at hindi sadya na kasama sa napunit ang warranty service label.

“I just broke it sorry. Yup I’m not good at unboxing. This is my first time, maybe later I can learn,” saad nito kasabay ng pag-amin na bata pa siya noong huling beses magkaroon ng playstation.

Nabatid na June 2 pa kuha ang naturang video pero nitong weekend lang pinagpiyestahan ng mga netizens dahil kapuna-puna anila kung paano nito basta na lamang daw itinapon ang box at tila hindi rin maingat sa paghawak sa mamahaling laruan.