-- Advertisements --
edsa

Inilabas na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang matrix ng multa sa mga lalabag sa single ticketing system alinsunod sa Metro Manila Traffic Code.

Sa ilalim ng nasabing patakaran, inaprubahan ng Metro Manila Council ang multa mula P500 hanggang P10,000 depende sa paglabag at kung gaano kadalas na lumabag ang isang violator.

Base sa bagong matrix, ang mga lalabag ay dapat na magbayad ng P500 bawat isa para sa paglabag sa number coding, tricycle ban, pagiging arogante, P1,000 naman sa mga lalabag sa traffic sign, attended illegal parking o kung ang driver ay nasa loob ng sasakyan, obstruction, overloading, defective motor vehicle accessories, loading and unloading sa prohibited zones, overspeeding at hindi paggamit ng seatbelt; P2,000 naman para sa unattended illegal parking, light truck ban at unauthorized modification at P3,000 para sa paglabag sa truck ban.

Pagmumultahin naman ng P1,000 ang mga lalabag para sa first offense, P2,000 sa second offense at P2,000 kaakibat ang seminar sa mga sumunod pang paglabag para sa reckless driving; P500, P750 at P1,000 para sa dress code sa mga motorista, P2,000 at P5,000 para sa illegal counterflow; P1,000, P2,000 at P5,000 para sa kabiguang gumamit ng child restraint system (CRS); P1,000, P3,000 at P5,000 para sa paggamit ng substandard CRS; P1,500, P3,000, P5,000 at P10,000 para sa hindi paggamit ng motorcycle helmet; P3,000 at P5,000 para naman sa paggamit ng helmet nang walang import commodity clearance o ICC marking; at P3,000, P5,000 at P10,000 para sa paglabag sa Children’s Safety on Motorcycles Act.

Ayon sa MMDA official, ang mga law offenders ay dapat na bayaran ang kanilang multa sa loob ng 10 araw matapos na mahuli. Ang nagawang paglabag ay matatanggal mula sa records sa oras na makapagbayad ng multa ang mga motorista.

Dagdag pa ng opisyal na ipapatupad ang demerit system kung saan ang driver’s license ay kukumpiskahin at isususpendi kapag naabot ang certain number points ng paglabag.