
Pinuri ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga 3rd level officers ng Pambansang Pulisya na nagsumite na ng kanilang courtesy resignation.
Ito ay matapos na pumalo na sa 99% ng kabuuang bilang ng mga heneral at full pledged colonel ng PNP ang tumugon na sa panawagang pagbibitiw sa serbisyo ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang lahat ng ito bilang bahagi ng internal cleansing sa buong hanay ng pulisya mula sa ilegal na pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Batay kasi sa pinakahuling tala ng PNP, umaabot na sa 942 mula sa 953 ang bilang ng mga koronel at heneral na nakapagpasa na ng kanilang pagbibitiw sa serbisyo na alinsunod sa naging hamon ng kalihim.
Ayon kay Azurin, ang pagkakaisa aniya na ito na ipinapakita ng matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya sa pagkasa sa hamon ni Abalos ay pagkakataon na rin na maresolba ang mga isyung kinakaharap ng kanilang buong hanay.
Bukod dito ay nagpahayag din siya ng pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa naturang hakbang kabilang na ang mga retiradong opisyal ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc. (PMAAAI), at Philippine National Police Academy Alumni Association.
Samantala, sa ngayon ay walong full pledged colonel at tatlong heneral na lamang ang hinihintay ng PNP na makapaghain ng kanilang courtesy resignation hanggang sa Enero 31, 2023.










