Hinikayat ni Department of Labor Secretary (DOLE) Silvestre Bello III ang Department of Health (DOH) na pangunahan sa Kongreso ang proposal na magtataas sa sahod ng mga nurse at doctor sa private sector.
Isinusulong kasi ng DOLE ang pagtaas sa sahod ng mga healthcare workers para na rin mas piliin ng mga ito na manatili na lamang sa Pilipinas kaysa maghanap ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Bello, ang malaking pagkakaiba sa sahod ng mga healthcare workers sa public at private sector ang isa umano sa nakikita nilang dahilan kung bakit maraming nurse at doktor ang mas gugustuhing ipagpatuloy ang kanilang profession sa ibayong dagat.
Ang mga nurse sa private hospitals ay nagtatrabaho ng 10-12 oras kada araw at kumikita ng P18,000 kada buwan. Mas mababa aniya ito sa natatanggap ng mga nurse sa pampublikong health facilities.
May mga pagkakataon din aniya na ang mga nurse pa ang kailangang magbayad ng training fee sa kanilang pinapasukang pampribadong ospital.
Ito raw ay upang magkaroon sila ng two-year experience na kakailanganin para makapag-trabaho sa ibang bansa.
Dagdag pa ni Bello na matagal na nilang binabantayan ang kalagayan ng mga nurse sa private sector ngunit hindi umano sila makagawa ng bhakbang dahil kulang ang bilang ng mga nagrereklamo sa naturang patakaran.
Pwede raw kasing kausapin ng DOLE ang hospital owners para makakuha ng pantay na trato ang bawat nurse na empleyado ng kanilang ospital.
Sa ngayon ay hinikayat na lamang ni Bello ang mga hospital owners na huwag pagsamantalahan ang mga healthcare workers.
Panawagan naman ng kalihim sa mga healthcare wokers na dapat ay alamin ng mga ito ang kanilang karapatan.