Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na masyado pang maaga para pag-usapan ang Martial Law extension sa Mindanao.
Ayon kay Albayalde, marami pa ang puwedeng mangyari mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng Martial Law sa darating na Disyembre 31.
Maaari aniya na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang magdesisyon na hindi na kailangan ang Martial Law kung gumanda na ang sitwasyon sa Mindanao.
Ang pahayag ng PNP chief ay matapos na irekomenda ni National Security Adviser Hermongenes Esperon ang panibagong pagpapalawig sa Martial Law.
Sinabi ni Albayalde na ang rekomendasyon ng PNP kung palalawigin o hindi ang Martial Law ay nakadepende na rin sa magiging resulta ng mga “efforts” ng PNP at Armed Forces of the Philippines at iba pang law enforcement agencies sa mga darating na buwan.










