-- Advertisements --

Naniniwala si Sen. Sherwin Gatchalian na hindi “ultimate solution” ang mass testing para sa laban kontra COVID-19.

Ito ay kahit pa kumbensido ang senador na mahalagang bahagi sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19 ang pagsasagawa ng mass testing.

Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na ang mass COVID-19 testing ay dapat na unang ibigay sa mga may sakit pati na rin sa mga kasama nila sa bahay, at hindi muna para sa lahat ng tao.

Inihalimbawa nito ang balak ng Valenzuela City na gawing prayoridad sa testing ang mga komunidad kung saan nakatura ang mga COVID-19 patients.

Hanggang kaninang umaga, ang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa Valenzuela City ay umakyat ng pito, kasama na rito ang isang pasyenteng binawian ng buhay,.

Sinabi rin ni Gatchalian na prayoridad rin nila ang mga indibidwal na maituturing bilang persons under investigation (PUIs) para sa COVID-19 testing.

Sa Valenzuela City, sinabi ni Gatchalian na 71 indibidwal na sa ngayon ang maituturing bilang PUIs.