-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Labis ang paghihinanakit ng Pamilya Yuson matapos na ipag-utos ang pagpalaya sa apat na suspek sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.

Sinabi ni Municipal Councilor Emil Glenn Yuson sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikinabigla nila ang pagbaba ni Manila deputy prosecutor Joselito Obejas ng release order kahit alas-10:00 na ng gabi noong Biyernes, Oktubre 11.

Nakasaad din sa kautusan na imbestigahang mabuti ang kaso.

Tiniyak naman ng pamilya ang pag-apela sa nangyari upang makamit ang katarungan para sa pinaslang na kamag-anak.

Samantala, naiuwi na dakong alas-6:00 kagabi sa bayan ang labi ni Vice Mayor Bodgie.

Sa pantalan pa lamang hanggang sa daan patungo sa bahay ng mga Yuson sa Barangay Canvañez, sinalubong na ito ng iyakan at pagsigaw ng katarungan ng mga tagasuporta at kababayan.

Ayon sa ilan sa mga residente, mami-miss nila ang opisyal na mabilis na malapitan at mahingan ng tulong sa panahon ng mga problema.