Nakikita ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na mas lalago pa ang ekonomiya ng bansa sa oras na maisabatas ang amiyenda sa Public Service Act (PSA).
Inaasahan kasi na tataas ng 0.22 percent ang gross domestic product (GDP) growth ng bansa sa oras na makapasok na ang mas maraming foreign investments.
Kaakibat nito ayon kay Salceda ay ang pagdami rin ng trabaho para sa mga Pilipino, at 0.14 increase sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.
“Unemployment is likely to decline by 0.1 percent, following the growth in output due to more investments,” dagdag pa nito.
Iginiit ng kongresista na sa oras na maisabatas ang House Bill No. 78 na kanyang iniakda, mawawakasan na ang aniya’y “unfair protection” sa iba’t ibang sektor na hindi na sakop ng depinisyon ng “public utilities”.
Hangad kasi ng naturang panukala na gawing mas malinaw ang depinisyon ng isang public utility dahil sa ngayon ay kasama sa foreign equity restrictions ang electricity distribution, electricity transmission at water pipeline distribution o water sewerage pipleline system.
“Just to point out how absurd keeping the PSA is, pati ice plant, kasama sa foreign owenership restrictions. Our definition of what a public utility is goes back to the Commonwealth Act No. 146, which was passed in 1936. Hindi pa nga tayo indpendent noon. And we are currently letting the government govern how we should compete in the current economy,” saad ni Salceda.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, pinapahintulutan ang mga banyaga na magmay-ari ng mga kompanya sa sektor ng kuryente, transportasyon at komunikasyon ng hindi hihigit sa 40 percent.










