Inaasahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mas maraming Pilipino mula sa Israel at Lebanon ang inaasahang babalik sa Pilipinas sa unang bahagi ng Nobyembre.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, hindi bababa sa 112 Filipino sa Lebanon ang natukoy para sa repatriation.
Aniya, may paunang batch na rin na darating sa Biyernes.
Matatandaan na nagpatupad ang DFA ng voluntary repatriation sa Lebanon matapos isailalim sa Alert Level 3 ang middle eastern country dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Islamist group na Hezbollah.
Sinabi ni De Vega na mayroong 17,500 Pilipino sa Lebanon, humigit-kumulang 10,000 sa kanila ay undocumented.
Giit nito na iuuwi ang mga Pilipino sa pamamagitan ng commercial flight, ngunit mayroon ding opsyon na lumabas sa pamamagitan ng pagdaan sa karagatan sakaling lumala ang sitwasyon.
Sa kabuuan, humigit-kumulang 120 ang nakauwi na, habang 143 pa ang mga Pilipino ang humihiling na makauwi sa bansa.